Kundiman sa Himagsikan!!

Dumating sa Pilipinas ang mga kolonyalismong Espanyol upang sakupin at dominahin ang bansa sa pulitikal, ekonomikal at kultural na aspeto. Maraming impluwensya ang naidulot nila sa mamamayan na kung saan ito’y naging paraan upang mapagtagumpayan nila ang kanilang mithiin/layuning ninanais sa bansa. Sa kanilang pananakop, dumaan ang mga Pilipino sa pang-aalipin, pananamantala at paninirang puri sa Inang Bayan at kamalayan ng mga tao. Mula sa iba’t-ibang karanasan na nangyari sa ating kasaysayan, nagkaroon ng rebolusyunaryong Pilipino na naglalayong matutulan at mawakasan ang mga kasamaang gawa ng mga dayuhan. Maraming mga Pilipino ang nagmistulang mga pipi at lumpo sa katotohanang nawalan sila ng kapangyarihang kumilos ng makatuwiran ayon sa lipunan. Ganoonman, maraming Pilipino ang hindi kailanman magpapasailalim sa kolonyalismong kapangyarihan. Dito, iba’t ibang larangan ng sining ang naglabasan upang gawing daan sa pagpapalaya ng katotohanan at mga saloobing hirap ipaalam sa kinagisnang bayan.
Lumabas ang Kundiman bilang isang musika sa huling taon ng ika-19 na siglo. Ito ay nanggaling sa kumintang. Isang awiting panligaw o pangkasal, nagmula sa probinsya ng Balayan, Batangas. Nagsasabing ito’y nagmula sa salitang “kung hindi man” o “dapat”, na nagpapahiwatig ng pagpapakumbaba at pagmamahal. Isang awiting pag-ibig na may anyo at ritmong mabagal, malumanay, mahinhin, matamis, malambing at maligaya. Ito ay may malalim na pakahulugan sa bawat salitang ginagamit o maladramatikong mga linya ng kanta.
Sa pananatili ng mga Espanyol, nabuo ang awiting may pinamagatang “Jocelynang Baliwag” na inihahandog sa isang mutya sa Baliwag, Bulacan na si Josefa “Pepita” Tiongson Y Lara. Tinaguriang Musica del Legitimo Kundiman Procedente del Campo Insurecto o Music of the Legitimate Kundiman that Proceeds from the Insurgents. Ipinapakita ng awitin ang pagmamahal nito sa babae at ang pamamaraan ng panliligaw ng panahon. Tiyak na bantog sa bayan nito ang kagandahan at kalinisang identidad o katangian ng babae. Isang kundimang ginamit ang salitang Tagalog na may malatulang liriko na siyang pupukaw sa damdamin ng kanyang iniirog.
Mula sa isang simpleng awit pag-ibig, nagkaroon ng pambansang kamalayan ang mga Pilipino sa panahon ng Rebolusyong 1896. Ang kundimang “Jocelynang Baliwag” ay naging “Kundiman ng Himagsikan” na siyang pumukaw sa damdamin ng bawat rebolusyonaryo upang lumaban. Ang awiting ito ay inangkin ng kilusan dahil na rin sa pulitikal at sosyal na pangyayari sa Pilipinas. Ang mga linya ng kanta na may bulgar, simple, mababaw at madamdaming paglalahad ng pag-ibig ay nabigyan pa ng mas malalim na pagtingin sa pagpapakahulugan nito at katangiang taglay. Hindi na lamang naging simpleng awiting pag-ibig para kay Pepita ang kundiman bagkus ito’y naging musikang daan upang maisiwalat ang mga paninikil ng mga Espanyol at sa paghahangad sa tunay na kalayaan ng bayan. Sa pag-angkin ng mga rebolusyonaryo sa awiting ito, tinanggal na rin nila ang nosyong ang kundimang ito’y patungkol lamang sa panliligaw o pagpapakita ng pagmamahal sa mga babae.
Sa pagsusuri ng literal na pakahulugan ng awitin, inihahayag nito ang pagsamba ng lalaki sa sinisinta na kanyang itinuturing bilang sampaga na malinis, maganda at nagbibigay ligaya sa lahat. Ang babaeng paraiso ng galak at tuwa, isang diwatang nagsasaboy ng liwanag na may mabangong katangian ng mga bulaklak. Nananalig na siya’y sasagipin sa sakit at hapis ng damdamin bilang lunas na tanging magliligtas sa kanyang katauhang nagdadalita. At tanging pagtanggap sa kanyang wagas na pag-ibig ang lunas sapagkat siya lamang ang nilalangit na kung hindi kahahabagan ay ikamamatay ito ng kanyang buhay. Ang pagsusuring ito ay ginawan ng pagbasa sa konteksto bilang isang awiting pag-ibig, samantalang kung babasahin ang teksto sa pamamagitan ng ibang interpretasyon o pagtingin, may malaking pagbabago sa mensahe lalo’t higit sa mga kasapi ng Katipunan na may impluwensya ng lipunang ginagalawan. Sinasabing ang “pinopoong sinta” sa awit ay si Josefa “Pepita” Tiongson ngunit sa kilusan may isang sinisinta ang mga ito na taglay ang kagandahan, kalinisan at kadakilaan bago pa dumating ang mga Kastila --- ito ang Inang Bayan. Ang Inang Bayanng mabangong sampaga, nagbibigay ligaya sa sangkatauhan, paraiso ng galak at tuwang katamis-tamisan. Ngunit sa pagdating ng mga dayuhan, naglayag na ang mamamayan sa dagat ng sakit at tanging Inang Bayan ang sasagip. Ang lunas at magliligtas sa kalungkutan at kasamaan dulot ng malupit na pamamalakad sa lipunan. Nais nitong ibalik ang tunay na kalagayan ng Inang Bayan, na huwag hayaang sakupin ng mga dayuhan, sapagkat ikamamatay nito ang tunay na kalayaan kaya’t mahalin ng lubusan at ipaglaban ang lahat ng karapatan ng mamamayan.
Sa ganitong pagpapakahulugan ng mga kasapi ng Katipunan, lumawak ang kanilang kamalayan sa likhang pampanitikang ito na pumukaw sa kanilang paghihimagsik. Ang kundiman ngayon ay nagpakita ng mga karanasan sa kagipitan at kahirapang tiniis sa ilalim ng kapangyarihan ng mga prayle at sundalong Espanyol. Nabigyang halaga sa lipunan ang awitin bilang inspirasyon ng mga rebolusyonaryo. Mapapansing hindi mismo ang awtor ng kundiman ang naglinang sa kaisipan ng tagapakinig bagkus ang kaisipan at kamalayan ng mga tagapakinig ang naglinang sa awitin bunga ng mga karanasan at kalagayan sa naturang panahon. Naging paboritong kundiman at nakilala sa kapuluan ang awiting ito na nagbukas sa kalooban ng iba pang kompositor tulad nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago. Ang Jocelynang Baliwag ay tumatak sa puso’t isipan ng mga tao lalo’t nagpapaalala ito ng pagmamahal at kabutihang hangarin sa bansa. Mula sa kamalayang nabuksan at nakintal sa mamamayang Pilipino, nabuhayan pa lalo ng dugo ang mga rebolusyonaryo na ibuwis ang buhay, iwanan ang kani-kanilang pamilya at ibigay ang buong kakayanan at lakas para makipaglaban sa kalayaan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nananatiling kolonya pa rin ang Inang Bayan, pulitikal, ekonomikal at kultural. At hanggang ngayon, patuloy pa rin ang labanan para sa kabutihan at kaunlaran ng lipunan. Magkaganoonman, binabalik-balikan pa rin ang awiting nagtatak ng kasaysayan sa pagpapalaya ng bansa. Hindi pa man tapos ang labanan, naniniwala ang henerasyon na darating muli ang panibagong kundiman ng magniningas sa kamalayan ng bayan upang magkaisa at magsama-samang ibangon ang bansa sa kahirapan. Isang kundimang magliliwanag sa isang makabayan at makatarungang kaisipan sa mamamayang may pagmamahal sa Inang Bayan.#

Comments

Popular Posts