Huling Hagbong
“Ang kasaysayan ay maaring mangyari sa kaninumang pamilyang Tayabasin nang naturang panahon”, wika ni Orlando Nadres. Ito ang nagdulot sa kaniya upang ibahagi ang isang dula sa panahon ng mga Hapon, Disyembre 1941—isang linggo ang nakakaraan ng bombahin ang Pearl Harbor sa Hawaii. Ang buong dula ay naganap sa bahay ng pamilya ni Auring sa Baryo Angeles, Tayabas, Quezon na kung saan siya’y umuwi mula sa Maynila sapagkat sumiklab na ang digmaan. Kasabay nito ang pagpapaplano ng pamilya sa buhay ng dalaga, ang darating nitong ika-18 kaarawan. May hagbong man o wala, tuloy man ang giyera o hindi, ipagpapatuloy pa rin ang handaan. Nagpatuloy ang dula sa apat na araw lamang ngunit naipakita at nabuo ang istorya ng isang bayan, ng tradisyon, pagsasamahan ng pamilya, ng wikang Tagalog Tayabasin at ang hamon sa pagdating ng mga Hapones sa bayan.
Ang hagbong ay isang mahalagang okasyon para sa mga Tayabasin, sinaunang kaugalian ito bago pa dumating ang mga Hapon sa bayan. Isang paraan ng pagbati sa may kaarawan sa pamamagitan ng mga sariwang bulaklak at paghahandog ng mga awitin. Ginaganap ito makalipas ang hating gabi na hindi alam ng may kaarawan at ng pamilya nito. Isang kaugalian ng mga Pilipino na higit ipinaparamdam ang kabutihang loob sa pamamagitan ng pagbati, pagkukuwentuhan, pagkukumustahan at pag-aawitan. Nagpapakita lamang ito kung gaano kahalaga sa atin ang kaarawan ng bawat isa. Isang espesyal na araw na magdadala sa isang magandang kinabukasan at pagsisimula ng panibagong buhay.
Sa pagdaan ng panahon, pagkatapos nang giyera ng Hapon sa Pilipino, naglaho o nakalimutan na ang hagbungan sa bayan. Marami ang hindi na muli pang isinasagawa ang ganitong kaugalian sapagkat dumating ang panibagong pagpapakilala sa mga regalo na binabalot at pagbibigay ng iba’t ibang uri ng sulat o kard na karaniwang nakalimbag ang mga mensahe. Sa madaling salita, ito ay nabibili at ginawa ng iba. Namatay at iniwan ng mga Pilipino ang mahalagang bahagi ng isang kasaysayan ng bansa. Ito ang huling hagbong ng bayang itinaguyod ng isang magandang pagsasamahan at pagmamahalan ng bawat isa.
Hindi ito huling hagbong ng tauhang si Auring na dahil siya’y namatay sa araw ng kanyang kaarawan bagkus ito ang kamatayan ng isang kulturang hindi na natin pinapahalagahan. Sa natapos na giyera, marami ang nagbuwis ng buhay, nangamatay na mga pangarap, nawalan ng mga mahal sa buhay, naaksayang kinabukasan at naging taksil sa bayan. Hindi kaya’t isinama rin ng natapos na giyera ang pagmamahal at pag-aaruga ng mamamayan sa sariling kultura ng bayan.
Isang malaking usapin ang nabuo at naipakita sa dula mula lamang sa isang simpleng pamilya na may simpleng pamumuhay sa isang maliit na baryo ng Katagalugan. Isang dula na nagningas upang ipakita ang mga pagbabagong nangyayari at nakaepekto sa ating kasaysayan. Ang kasaysayang maaaring magmula kahit sa sinumang Pilipinong naninirahan sa naturang panahon. Ang Pilipino ang humahawak ng kanya-kaniyang kasaysayan at sa kinakaharap nitong kinabukasan. Nais nitong ibigay ang mensahe ng pag-aaral sa ating literatura, kultura, at lipunan upang maging mayaman ang kamalayan ng bawat isa. Ipagmalaki at pagyabungin ang bayang pinagmulan na may sariling identidad at kalinangan. Bigyang pagkakataon na tuklasin at pag-ugnay ugnayin ang lahat ng sining at kultura sa bayan upang maging progresibo ang kalinangan ng Pilipino sa sariling kasaysayan at literatura. Ito’y maging silbi at simulain sa pagpapalabas sa tunay na tradisyon, kaugalian at reyalidad ng buhay sa lipunan. Itaguyod ang sariling yaman at paunlarin sa ating kaisipan na may pagkamakabayan.
Comments