DEKALOGO NG BAYAN!

Itinatag ang Katipunan o (Kataas-taasang, Kagalang-galangang, Katipunan ng mga Anak ng Bayan KKK) noong 1892 sa layuning maitaguyod ang kamalayang makabayan at tapusin ang pagmamalabis na gawain ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ninanais nito ang isang maayos at makatuwiran na lipunan na kung saan sila'y gagamit ng isang madugong himagsikan. Sa pagtatag ng samahan, naibalangkas ni Andres Bonifacio ang “Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan” o “Dekalogo”. Samantalang si Emilio Jacinto ay sumapi noong 1894 sa Katipunan na naging tagapayo, kalihim at piskal ng samahan. Lumikha siya ng sariling alituntunin na tinatawag na “Kartilya ng Katipunan”. Ang kartilya ay hango sa salitang Espanyol na “cartilla” na nangangahulugang paunang pangaral sa mga mag-aaral sa elementarya. Ito rin ang naging opisyal na talaan ng alituntunin ng samahan.
Sa pagdating ng Himagsikang Pilipino – Amerikano, si Apolinario Mabini (Utak ng Rebolusyon) ay naging bahagi sa paglaban at pakikibaka sa kalayaan ng bansa. Noong 1896, nagkasakit si Mabini na naging sanhi sa kanyang pagkalumpo. Sa panahong ito siya ay naging kalihim panlabas (prime minister) at pangulo ng konseho ni Emilio Aguinaldo na kung saan ay pinamunuan ang Pamahalaang Republika. Naisulat niya ang akdang “Ang Tunay na Dekalogo” na naging tanyag sa bansa. Inilimbag ito noong Hulyo 1898.
Ang mga akdang naisulat ng tatlong makakapangyarihan sa panahon ng himagsikan laban sa mga dayuhan ay nagpapakita ng mga tungkulin ng samahan at mga kasapi sa pagtataguyod ng isang bago at mayamang kalinangan sa bayan. Hangad nito ang pagkakaisa ng mga kalooban at kaisipan ng lahat ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mga aral at panunumpa tungo sa kaliwanagan at katuwiran. Maging matatag ang kamalayan ng mga kasapi at sikaping taglayin ang mga karakter ng walang pagsisisi kundi patatagin ang prinsipyong namumutawi sa lahat ng mga rebolusyunaryo. Itong mga akda ay dulot ng mga mananakop na nais pamunuan at angkinin ang mayamang bansa ng Pilipinas na nagmamalabis at mapang-aping pagsaklaw sa mga Pilipino. Ang pagnakaw sa isang bayan at identidad ng mga Pilipino sa sarili nitong bayan.
Sa mga akdang Dekalogo nina Bonifacio, Jacinto at Mabini, makikitang may pagkakatulad ang kanilang mga prinsipyo at hangarin para sa kanilang bayan at sa bawat Pilipino. Sina Bonifacio at Mabini ay naniniwala na dapat ibigin ang Diyos/Maykapal. Ang lahat naman ay sinipi ang pag-ibig sa kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili at bayan. Ganito rin ang pagkakaroon ng mabubuting kalooban, pagtutulungan, katatagan at pagkakaisa ng bawat miyembro sa lipunan. Isinulat din nito ang pagkakaroon ng kaligayahan sa bayan at ang kahalagahan ng mga tao sa lipunang may pag-asa, katwiran, katarungan at paggawa. Magkasama naman sina Bonifacio at Jacinto sa nagsasabing may katungkulan ang bawat miyembro sa pamilya, bilang mga anak, asawa, kapatid, ina at ama, babae o lalaki sa bayang pananatilihin.
Binigyang linaw ni Jacinto ang kahalagahan at tunay na katayuan ng mga kababaihan sa panahong nanatili ang kapangyarihan ng Espanyol, alam naman na malaking isyu ito sa panahon ng kolonyalismo. Higit sa mababang pagtingin sa mga babae kaya’t nadudusta ang lahi at dignidad ng mga ito.
Hindi naman maiwasan ang pagkakaroon ng kaibahan sa mga aral, katungkulan o utos na ginawa ng bawat may-akda. Mapapansin na walang nabanggit si Jacinto patungkol sa pag-ibig sa Diyos, bagkus ang mga aral nito ay mas tumitingin sa kaasalan, kabuhayan at pagkakapantay-pantay ng tao. Mas binigyan niya ng pagpapalawak ang kalooban, aral at katangiang taglay ng isang tao at lipunan. Samantalang si Apolinario ay higit pinukaw ang ang pag-ibig at pagsamba sa Diyos na magiging daan o paraan para sa isang marangal, mabuti, maligaya at makabayang pamamalakad sa lipunan. Sa bahagi naman ni Bonifacio, masasabing nabanggit niya ang dalawang konseptong pinatingkad ng dalawang nasabing may-akda. Bukod dito, binigyang pansin niya ang pag-iingat at pagpapahalaga sa mga layuning tinutungo ng organisasyong KKK sa pamamagitan ng kaloob ng Maykapal at ang pagka-makabayan ng mga Pilipino. Magkagayon, nagkakaisa ang lahat na may malaking tungkulin ang lahat sa pagpapaunlad ng isang bansa.

“Ang kabuhayang hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan, ay kahoy na walang lilim o di kaya'y damong makamandag”. Ito ay isang linya na mula sa Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto na matalinghagang nagtataglay ng aral kabuhayan na dapat gawin ng isang mamamayang Pilipino.
Maaring sabihin na ang buhay ng isang indibidwal sa lipunan ay mawawalan ng silbi o kalinangan kung hindi mo ito gagamitin sa isang mas malaking sakop na pagtingin. Ang isang Pilipino ay may responsibilidad na dapat gampanan para sa kanyang sarili, sa kapwa at sa kanyang bayang tinubuan. Ito'y isang malaking kadahilanan upang ika'y mabuhay ng matiwasay at makatarungan, kung hindi mo nakikita ang tunay na sitwasyon sa iyong kapaligiran, maaaring ika'y nagbubulag-bulagan o nabulag sa maling mga kaganapan. Mawawalan ng kakayanan ang isang tao sa pagpapayabong ng kapayapaan, bagkus ito'y nagiging sandata pa ng kalaban upang magtagumpay sa masamang hangarin sa bansa. Ang pagkawalang alam sa kanyang kabuhayan ay higit pa sa damong makamandag sapagkat maaaring nakamamatay ito sa pag-unlad ng isang lipunan. Maaaring ginamit ito ng may-akda upang lalong makintal sa kaisipan ng mga kasapi ang halaga ng kanilang kabuhayan sa pagtataguyod ng samahan. Silang kumikilos at nakikibaka para sa isang malaking pagbabago ay hindi kailan man dapat maging isang kahoy na walang pakiramdam sa kanyang kapaligiran lalo't higit ng kahoy na walang lilim. Isang patay na kahoy na maglulugmok sa di makatarungang kalagayan. Ganito rin ang damong nasa baba/lupa ngunit may armas na nakasisira at kamandag ng mapang-api't pagmamalabis na mga dayuhan. Ito ang kultura mayroon ang bansa, mga nag-aanyo sa kabutihan ngunit may ibang kagustuhan. Mga mapagkunwari at mapanlinlang na kasangkapan, nang ito’y makuha at maagaw ng walang kahirapan. Kaya’t isang paalala sa lahat ng kasamahan na manunumpa sa mga tungkuling nakaatang, buong pusong isalin sa kaisipan at kumilos ng may kaayusan. Putulin ang kasamaan at kataksilan sa bayan, huwag pasakupin sa mga mapagsamantala at manggagamit ng kapangyarihan. Isang pagsuong sa tunay na laban ng bayan, bayang tinubuang minahal ng sambayanan. Maging kapaki-pakinabang ang ating buhay sa bawat oras na ito’y kumakawala at may lakas pang kumilos o gumawa. Isang kalinangang dapat itatak sa ating kultura at kamalayan tungo sa tagumpay ng madugong labanan at pagkakaroon ng makatuwirang lipunan.#

Comments

Popular Posts