daigdig ng tao

Marami na rin akong nabasang maiikling kuwento sa Filipino, ngunit iilang libro lamang ang natapos kong basahin ng buo tulad ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Ibong Adarna, Florante at Laura at mga akda ni Bob Ong. Sa kaunting librong Filipino na aking nabasa, ang tanging nagpatatak sa akin ay ang nobela ni Pramoedya Ananta Toer “Daigdig ng Tao” (salin ni Thelma B. Kintanar sa Filipino) at “ Child of All Nations”. Alam kong hindi isang Pilipino ang awtor at ang nilalaman nito ngunit nabasa ko naman ang unang parte ng nobela niya sa Filipino at hinding hindi ko makalimutan ang istoryang napapaloob nito. Ito ay isang piksyon na nobela patungkol sa Indonesia at hindi naman nagkakalayo ang lugar na ito sa Pilipinas. Magkaganon, tumatak ito sa aking isipan sapagkat nabuo ang aking imahinasyon na parang tunay kong naiintindihan at higit na nauunawaan ang kalagayan ng karakter sa mundong kanyang kinagagalawan at sistema o pamamalakad sa lipunang mayroon siya . Maaring maihalintulad ko ang nobela sa Noli at El Fili ng Pilipinas. Isang kasaysayan ng bawat bansa at mga katotohanang napapaloob sa lipunan na patuloy pinagtatakpan ng mga makakapangyarihan. Maraming pagkakaiba sa kultura, relihiyon, wika at kalikasan ng kuwento sa Pilipinas subalit sa pagkakaiba ay may pagkakatulad din. Nasakop ang mga Javanese ng mga Dutch o mga puti samantalang sa Pilipinas ay mga Amerikano. Iba mang uri ng kolonisador ay pareho pa rin ng layunin at mukha ng kasamaan. Nabuo rin ang usapin sa edukasyon, sa mga kababaihan, kabayanihan, hiyarkiya, mga uri at rebelyon. Una malaki at mataas din ang pagtingin ng mga Javanese sa wikang Dutch, ito ang ninanais nilang pag-aaralan at gamitin. Mababa naman ang pagtingin nila sa mga babaeng kabit (concubine) na halos wala itong karapatan at kapangyarihan sa lipunan. Hindi mo rin maaalis ang pagkakahati ng mga uri o hiyarkiya sa lugar, lalo’t higit dumarami ang mga mahihirap sa mayayaman at ang papanatilihing mangmang ng mga elitista ang mga katutubo. Sa ganitong mukha ng lipunan, hindi na rin maiiwasan ang pag-usbong ng mga samahan o grupo ng mga nag-aalsa sa ganitong sistema, sa panggigipit at pananamantala. Ang mga isyung ito ay hindi na bago sa mga Pilipino at kung iisipin mo, na kung ito ay isang realidad sa Pilipinas bakit nga ba hindi rin sa Indonesia at sa iba pang bansa. Ang mga mahihina ay nilalamon ng iba para lumakas pa sila, kolonyalismong kinakaharap ng maraming bansa. Mga makakapangyarihang naghahari sa ibang lugar upang maangkin ang kayamanan ng iba at magpawalak pa. Mga problemang nananatiling nasa kamalayan ng bawat isa at hindi pa rin matapos-tapos ang kalayaang hinahangad ng lahat.#

Comments

Popular Posts