Pier 14- sa likod ng pag-ibig

Masasabing may iba pang kahulugan ang tula hindi lamang sa isang dalisay na pag-ibig na napapaloob nito. Mapapansin ang pagkakaroon ng tunggalian sa karakter at sa kapaligiran niya. Ang pagsasalarawan ng isang tunay na kaganapan o pangyayari sa Pier na kanyang kinalalagyan ay bahagi ng pagkakabuo ng sistema na mayroon sa lipunan. Naibahagi nito ang sitwasyon ng mga simple o mahihirap na tao sa lugar na kung saan ay nagsusumikap magtrabaho para sa kani-kanilang pang-kabuhayan. Madaling araw pa lamang ay nandiyan na ang mga ito, nagtitinda ng dyaryo, kendi, komiks, gamot at mga pagkain. Mga taong gumagamit ng lakas ng katawan at kaisipan upang maging produktibo ang kanilang araw. Ang karakter sa akda ay nakaramdam ng pagkagutom o kalam ng tiyan tulad ng nakararami pang naghihikahos sa buhay. Isang representante sa lahat ng mamamayan ng lipunan na sa kanilang pagkagutom ay mayroong nagpapakasarap sa buhay at mapayapang namumuhay sa mga kaganapang napapaloob sa bansa. Kagutumang ipinagpalipas na lamang sapagkat nawalan na siya ng pagkakataon pang malamnan ang kanyang tiyan sa pag-alis ng barko. Nabanggit din dito na ang iniibig ay aalis upang magtrabaho sa Iloilo. Trabahong hindi masulosyunan ng gobyerno kaya't nag-aalisan ang mga tao upang makapaghanap-buhay na susuporta sa kani-kanilang pamilya. Mga pagkakataong kailangang hindi masayang sapagkat ito'y isang oportunidad na nabuksan para sa isang magandang kinabukasan. Mahirap mang tanggapin na mapalayo sa minamahal ay walang magagawa bagkus ay magsakripisyo na lamang. At sa kanyang pag-alis, nawa'y hindi nya makalimutan ang kanyang pinagmulan, kung sino talaga siya, ang identidad na taglay nito at mga taong naiwan niya. Problemang pangkultural sa mga mamamayan na nawawalan na ng halaga. Mga dahilan upang maglaho ang karakter nito at mapalitan ng bago sa patuloy na pag-iimpluwensya ng ibayong lugar o bagong lipunan na kanyang ginagalawan. Isang nakakasalimuot na pangyayari sa isang mahina at maliit na bansa na talagang tunay na nagaganap sa kasalukuyan.#

Comments

Popular Posts