Partido, Kanino at Saan?

Mula nang nakipaglaban ang Nacionalista para sa kalayaan laban sa kolonyalismong dala sa bansa, nagpatuloy ang pulitikal na partidong ito sa kasalukuyan. Maraming mga lider ang namuno at nagnanais na mabigyan ng kasiguraduhan ang kalagayan ng mamamayang Pilipino sa usaping ekonomiya, pulitika at kultura. Patuloy silang nakikipaglaban kaakibat ng kanilang adhikain na “Ang Bayan Higit sa Lahat” na siyang naging daan ng kanilang prinsipyo bilang mga lider. Ang grupong ito na nagbuo ng oposisyong koalisyon ay pinamumunuan ngayon ni Manny Villar na kumakandidato sa pagka-presidente ngayong 2010 eleksyon. Maugong ang usapin ng partidong ito, lalo’t higit nang pumasok sina Satur Ocampo ng Bayan Muna at Liza Masa ng Gabriela Women’s Party bilang mga guest senatorial candidates. Naniniwala at sinusuportahan ng mga representatibo mula sa leftist party ang Nacionalista dahil ilan sa mga plataporma ni Villar ay resolbahin ang patuloy na pamamaslang at tapusin ang kahirapan at korupsyon sa bansa.
Magkaganoon, masasabing ang dalawang grupo ay magkakampi hinggil sa mga layunin o hangarin para sa bayan. Mga kagustuhan na dapat ng tapusin ang sistemang hinuhulma ng administrasyon o ng rehimeng US mula pa sa kasaysayan ng bansa. Hindi ko man masasabing ang mga partidong ito mismo ang tunay na naghahangad ng kabutihan sa bayan, sapagkat maaaring ito ay isa na namang kahungkagan at kahinaan sa loob ng sistema. Ang lahat naman ay nagwiwika ng kahusayan at kalinisang budhi, mga katangiang nagnanais lamang naman na makaupo sa kanya-kanyang pwesto upang magpakain lang din sa bulok na sistema ng lipunan. Sa ganitong usapin, naniniwala pa rin ako na may pagbabagong magaganap hindi dahil sa mga partidong naglalabasan, kaliwa man o kanan bagkus ay sa mga prinsipyo at paniniwalang bitbit ng bawat Pilipino. Isang tunay na kalayaang tanging ang pakikidigma lamang ang may kakayanang magtapos sa pasismong gawa ng mga imperyalista sa Pilipinas. Hindi naman ako nadadala sa mga parti-partido lamang, walang saysay ang samahan kung ang mga bumubuo nito ay mga nagbabalat-kayo rin lamang. Wala namang perpektong tao, ngunit ang mga bagay ay nagagawan ng paraan lalo’t higit kung ikaw ay tunay na nagmamahal sa bayan at may responsibilidad na pinanghahawakan. Hanggat nagnanais ka ng isang tapat at malinis na lipunan, hindi matatapos ang lahat sa kapangyarihan lamang, ito’y patuloy na kaganapang dapat simulan ngayon, upang ang pagbabago’y tunay na mapagtagumpayan. Walang mangyayari kung tayo’y patuloy na nagkakawatak-watak o nagsasari-sarili, hindi kailanman man magkakaroon ng pagbabago sa bansa kung tayo’y hindi nagkakaisa sa isang layunin. Layuning maipaglaban ang tunay na pambansa at nasyonalistang demokrasya sa Pilipinas. #

Comments

Popular Posts